Mag jowang nagka-camping pinaslang ng isang lalaki; Babae ginahasa, nobyo niya pinatay


Patay ang isang 21-anyos na lalaki, habang sugatan at ginahasa ang nobya niyang menor de edad, matapos na pasukin ng isang salarin ang kanilang tent habang nagka-camping ang magkasintahan sa Boac, Marinduque.


Ayon sa impormasyon mula sa Boac Municipal Police Station, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen dakong 1:30 am nitong Biyernes, malapit sa tabing-dagat sa Barangay Ihatub.


Batay sa salaysay sa pulisya ng 17-anyos na babaeng biktima, bigla na lang silang pinasok ng salarin sa tent at inundayan ng saksak ang kaniyang nobyo.


Tumakbo ang babae palayo pero hinabol at inabutan umano siya ng salarin.


Sinugatan umano siya ng salarin sa leeg at pinagsamantalahan.


Matapos kunin ang kanilang pera at cellphone, umalis na ang salarin at iniwang duguan ang babae.


Nakahingi naman ng tulong ang biktima sa napadaang delivery rider na nagdala sa kaniya sa ospital at nagreport sa pulisya.


Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa salarin na nakatakas. 

Post a Comment

0 Comments